Labis ang pagtataka, galit at pagkadismaya ni Sen. Leila M. de Lima sa ginagawang pananakot at panggigipit ng mga ahensya ng gobyerno sa mga aktibong tumutulong para tugunan ang krisis na dulot ng COVID-19.
Una nang pinuna ni De Lima ang pag-subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Pasig City Mayor Vico Sotto ukol sa paglabag nito umano sa Bayanihan to Heal as One Act.
“Pilit na pilit. Ano ba yan, NBI? Sa ngalan ng dangal at integridad ng inyong institusyon, huwag na ninyong ituloy ang kaso,” pahayag ni De Lima.
“Mantakin ninyo: Pagpaliwanagin ba naman si Mayor Vico sa paglabag sa batas na hindi pa naman noon ipinatutupad?,” dagdag ng Senadora.
Matatandaan na iminungkahi ng Mayor ng Lungsod ng Pasig na hayaan munang bumiyahe ang mga tricycle sa kanyang nasasakupan bago pa man ang Marso 18, habang Marso 24 naman naisabatas ang Bayanihan Law.
Lalo namang nagpanting ang tenga ng mambabatas nang mabalitaan ang pag-udyok ng Commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na si Manuelito Luna na imbestigahan din ng NBI si VP Leni Robredo dahil sa diumano’y pakikipagkumpitensya sa gobyerno sa panahon ng krisis.
“Tahimik na tumutulong si VP Leni, pero imbes na suportahan, gumagawa pa ng walang saysay na ingay ang ilang opisyal para siraan sya. Ginawa na ba talaga nilang bisyo ang pagbabanta sa mga nagtatrabaho nang matino?” tanong ng Senadora.
“Kung may dapat silang tutukan at imbestigahan, yun ay kung nasaan na ang bilyon-bilyong pondong inilaan para magbigay-ayuda sa ating mamamayan,” giit pa niya.
Ayon pa kay De Lima, nakarating din sa kanya ang mga ulat na sinasamantala umano ng ilang oportunista ang pagkakataong ito para mangampanya, matapos kumalat sa social media ang mga larawan ng mga ipinapadalang donasyon na tinadtad ng pangalan ng politiko.
“Ganyan na ba talaga sila ka-suwapang, na mas pipiliin pa nilang maantala ang dating ng mga ayuda, masiguro lang na maikampanya ang sarili?” wika ni De Lima.
Hindi na rin ipinagtaka ng mambabatas mula sa Bicol ang naging reaksyon ng napakaraming netizens, kasama na ang mga kilalang artista, na nagalit sa panggigipit kay Sotto at Robredo, pati na sa maagang pangangampanya ng ilang politiko.
“Kung ego at kapritso lang ang paiiralin ng gobyernong ito, lalong mapapahamak ang mga Pilipino—mula sa mga frontliners nating di-agarang nabibigyan ng tulong at proteksyon, mga kababayan nating wala nang kinikita at kumakalam ang sikmura sa gutom, hanggang sa mga di-makatarungang inaaresto at ikinukulong,” pahayag pa ni De Lima. (30)